Home » Blog » RECOLLECTION SA TAHANAN: GABAY PAGNINILAY SA HOLY WEEK

RECOLLECTION SA TAHANAN: GABAY PAGNINILAY SA HOLY WEEK

 

ANG HARDIN NG GETSEMANE: 

MGA HAMON NITO SA ATIN

 

(tnx, fr tam nguyen)

Para sa mga pamilyar sa panalangin ng Santo Rosaryo, may isang misteryo ng Rosaryo (doon sa misteryo ng mga Hapis o sorrowful mysteries) na tinatawag nating Agony in the Garden o sa Tagalog ay “Ang pananalangin ni Hesus sa Halamanan ng Getsemane. Nakabase ito sa Bibliya (Luke 22, Matt. 26, Mk. 14).

 

Kung babasahin natin ang Mark 14: 32-41, ganito ang nakasulat:

 

Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako’y nananalangin.” At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko’y labis na nalulungkot at ako’y halos mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.”

Lumayo siya nang kaunti, at pagkatapos ay nagpatirapa upang manalangin na kung maaari’y huwag nang sumapit sa kanya ang oras ng paghihirap. Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.” Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang? Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu’y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.” Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan. Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila’y naratnan niyang natutulog dahil sila’y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya. Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao’y ibigay sa kamay ng mga makasalanan. Bumangon kayo! Narito na ang magkakanulo sa akin.”

 

Makikita natin dito na bagamat ang kinapalolooban ng salaysay ay ang pananalangin ni Hesus sa Getsemani ay ang kanyang pagdarasal doon sa Ama, ang tunay na karanasan niya doon ay hindi payapang panalangin kundi isang malubhang paghihirap ng loob, kaya nga agony, paghihirap. Tila mas eksakto ang titulo nito sa Ingles, Agony in the Garden, kaysa yung sa Tagalog na “pananalangin sa halamanan.

 

Ano ba talaga ang Agony?

 

Nagmula sa salitang Griyego, ang agonia ang tumutukoy sa paghihirap na dapat pagdaanan ng isang manlalaro o atleta bago sumabak sa isang paligsahan. Ito ang pagsasanay o training na dapat maganap bago ang isang labanan. Tila sinasabi sa atin na hindi tayo maaaring dumiretso humarap sa krus ng buhay na hindi muna tayo dadaan sa warm-up o training dahil ito ang maghuhudyat kung talaga nga bang handa na tayo sa pakikipaglaban.

 

Ano naman ang Passion (o sa Tagalog ay pagpapakasakit)?

 

 

Mula sa Linggo ng Palaspas, naririnig natin ang salitang Passion o Pagpapakasakit ng Panginoon. Ang ibig sabihin ng Pagpapakasakit ay ang pagpapaubaya ng Panginoong Hesus ng kanyang sarili na dumaan sa pagdurusa sa kamay ng kanyang mga kaaway. Kaya ang Pagpapakasakit o passion(tulad ng pelikulang Passion of the Christ) ang pag-aalay niya ng kanyang kamatayan hanggang sa krus para sa atin. Sa pagpapakasakit niya, si Hesus ay “passive.” Ipinaubaya niya sa kanyang mga kaaway ang aksyon na magdadala sa kanya sa kamatayan.

 

Pag pinag-usapan naman ang Agony o paghihirap, ito ang tumutukoy sa paghahandog ni Hesus ng kanyang buhay. Sa lahat ng sandali hanggang sa Getsemane, iniaalay ni Hesus ang buhay niya para sa atin. At sa agony, ang Panginoon ay “active” na nagdurusa dahil siya ang nagpapasya kung sa anong paraan niya iaalay ang kanyang sarili; dito sa halamanan ng Getsemane, nagpapasya siyang ialay ang nalalabi niyang buhay para sa sangkatauhan.

 

Kaya, tandaan po natin: Passion o Pagpapakasakit, ito ang pag-aalay ng kanyang kamatayan. Agony o paghihirap, ito ang pag-aalay naman ng kanyang buhay. Doon sa Passion, si Hesus ay passive at sa Agony, siya naman ay active sa paghahandog. Dito makikita natin na handa si Hesus ibigay sa atin kapwa ang kanyang kamatayan at ang kanyang buhay. He offers to us his life; he also offers to us his death.

 

Ano ang kahulugan ng Halamanan o Garden?

 

Bakit sa halamanan o garden naganap itong tagpo ng agony o paghihirap ng Panginoon? Hindi ba puwede na sa bundok, sa disyerto, sa sinagoga, sa Templo, o sa dalampasigan?

 

Para sa atin ngayon, ang halamanan o garden ay kapaki-pakinabang. Dito makakakuha ng mga gulay o bulaklak at dito makikita ang ating pinakiingatang mga halaman. Ang daming nahumaling sa paghahalaman dahil sa pandemya; ang daming naging plantito at plantita.

 

Pero sa Bible, ang garden ay hindi tungkol sa gulay o bulaklak at hindi para sa mga plantito diyan. Sa Bible, ang garden ay tagpuan ng mga nagmamahalan. Isipin na lamang ninyo ang Garden of Eden – dito unang nagpadama ang Diyos ng pagmamahal sa tao. Dito din unang nagkaroon ng crush ang lalaking si Adan sa babaeng si Eba.

 

Sa Linggo ng Pagkabuhay, si Maria Magdalena ay tumakbo sa garden para umiyak doon, dahil sobra ang kanyang katapatan at pagmamahal sa Panginoon. At sino ang natagpuan ni Magdalena doon? Si Hesus, na muling nabuhay! Si Hesus, ang mangingibig, ang nagmamahal sa buong sangkatauhan, nandoon sa garden at tumatawag sa atin na katagpuin siya doon.

 

Dito sa Agony, in the Garden, ang atensyon ay wala sa pisikal na paghihirap ng Panginoon. Doon sa pelikulang Passion of the Christ, nakatuon sa pisikal – sampal, suntok, hagupit, tinik, dugo, pako. Hindi naman kasi katawang atleta si Hesus. Ibang uri ng paghihirap ang naganap sa Getsemane, at sinabi niya iyan sa Huling Hapunan. Ito ay panloob na paghihirap, emosyonal, damdamin. Hindi niya sinabi na: malapit na akong bugbugin, tadyakan, suntukin. Ang sabi niya: iiwan ninyo ako; ipagkakanulo ninyo ako; mag-iisa na ako (Mk 14). Diyan nakatuon ang mabuting balita: iiwan, itatatwa, ipapahiya, pababayaang mag-isa at walang depensa.

 

 

Ang Tatlong Pagsubok sa Halamanan

 

Sinasabing nagpawis ng dugo si Hesus sa Getsemane (Lk 22:44). Ano ba ang kahulugan nito? Sabi ng iba, parang nakita na niya ang magaganap sa kanya pagkatapos ng gabing iyon. Pero mas malalim pa doon, sa garden, naramdaman ni Hesus ang dula ng pag-ibig – iyong dramang nagaganap sa puso mo kapag ikaw ay naghihirap at nag-iisa. Naranasan niya ang mga pagsubok ng pag-ibig. At may tatlong pagsubok sa halamanan ng Getsemane, para kay Hesus at para sa atin ngayon.

 

1. ALISIN ANG SAMA NG LOOB

 

Kaya mo bang ibigay ang sarili mo na walang sama ng loob, walang hinanakit, walang pait?

 

Lahat tayo may obligasyon – magpalaki ng anak; mag-alaga ng asawang maysakit; mag-aruga ng magulang na tumatanda; kumayod para sa pamilya. Ginagawa natin ito kasi kung hindi, sino ang gagawa niyan? Lahat ng sensitibong tao may obligasyon na dapat gampanan: iba ginagawa na masama ang loob; iyong iba maluwag sa dibdib.

 

Unang pagsubok kay Hesus ay paano niya iaalay ang sarili hanggang kamatayan; isang bagay na mahirap, puno ng pagdurusa, sakripisyo. Kailangan niya itong gawin na walang sama ng loob; kailangan niyang pasanin at yakapin ang krus na walang resibo, na hindi maniningil pagdating ng panahon.

 

Nakatakda na ang kamatayan ng Panginoon. Pero ang tunay na regalo niya ay hindi basta mamamatay siya kundi iyong mamamatay ba siyang walang sama ng loob, walang pagdadabog, walang galit, walang hinanakit… may ganap na pagpapatawad?

 

Sa Getsemane ginawa na niya ito; doon pa lamang, nagpasya na siyang ibibigay lahat na walang sama ng loob. “Sabi niya, “Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo” (Lk 22:42). Kaya sa krus, sinabi niya: “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lk 23:34).

 

Ang Pagkabuhay ni Hesus ay tungkol din sa pagpapatawad. Nang magpakita ang Panginoon, hindi niya sinabi: Hoy, bakit ninyo ako iniwan? Nasaan kayo nung kailangan ko kayo? Bumalik siya na taglay ang kaloob na biyaya; ang paghihirap niya nagbunga ng pagkaunawa, ng pagpapatawad…

 

May isang babae na maagang ikinasal sa lalaking mas matanda sa kanya. Lumitaw ang tunay na ugali ng lalaki matapos ang kasal. Isa itong marahas at iresponsableng asawa. Napilitan ang babae na siyang magdala ng kanyang pamilya. Nagtrabaho siya para sila mabuhay. Inaruga niya ang mga anak at ginabayan. Samantala, si mister ay nandun at nagsusugal, naglalasing, nagpapaka-binata, at nagagawa pang saktan ang kanyang asawa.

 

Hindi naglaon, nagkasakit at nanghina ang lalaki, dinapuan ng malubhang karamdaman. Kahit na maysakit na siya, hindi pa rin nagbago kundi lalong naging mareklamo, bugnutin at mainipin. Pero ang kanyang misis ay nanatili sa tabi niya hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Nais niyang maranasan ng lalaki ang pinakamagaling na pag-aaruga at pagmamahal hanggang sa dulo. Patuloy ang babae sa pagmamahal, pag-aaruga, pag-aasikaso. Bakit? Dahil sa kanyang puso, napatawad niya ang kanyang asawa.

 

Nang pumanaw ang asawa niya, ang babae ay larawan ng kapayapaan, dahil wala siyang bitbit na sama ng loob o hinanakit. Hindi mahirap gawin ito pero may mga taong nagpapasya na gawin ito.

 

Sandali tayong manahimik at isipin natin ngayong Mahal na Araw: nasaktan din ba tayo ng ating kapwa – sa pamamagitan ng kasinungalingan, pagtataksil, pananakit, masasamang salita, panloloko o anumang uri ng psychological, emosyonal o maging spiritual na pananalasa?

 

May mga tao bang hirap tayong mapatawad hanggang ngayon? Mas kumportable ba tayong manangan sa ating sama ng loob, himutok o pait na nadarama? Ano ang ginagawa sa atin ng pagtanggi na magpatawad? Manalangin tayo sandali na sa tulong ni Hesus, matutong yakapin ang krus, ang drama ng buhay, na malaya at walang sama ng loob.

 

Maglaan ng ilang sandaling katahimikan… balikan ang hamon na ito sa inyong panalangin sa mga darating na araw.

 

 

2. PAGHARAP SA KAHIHIYAN

 

Ang pangalawang pagsubok ng Getsemane ay ang pagharap sa kahihiyan. Hindi natin ganap na mauunawaan ang mga Mahal na Araw kung hindi natin makikita ang kahihiyang nakabalot sa Biyernes Santo. Isipin mo nga: Si Hesus ay pinatay na tulad ng isang karaniwang kriminal; kasama ng mga magnanakaw; katabi ng mga kriminal.

 

Mahirap ito tanggapin para din sa mga alagad; tingnan na lamang ang bugso ng damdamin ng dalawang alagad na naisipan nang umuwi sa Emmaus (LK 24).

 

Galing sila sa Herusalem pero ngayon tinalikuran nila ito at pupunta silang Emmaus. Mahalaga sana ang Herusalem; nandun ang mga alagad; naroon ang simbahan. Pero naging lugar ito ng kahihiyan – para kay Hesus at para din sa mga tagasunod niya.

 

Ano ba ang Emmaus? Kumpara sa Herusalem, ang Emmaus ay para sigurong BGC (Bonifacio Global Center) ngayon. Doon ay masaya, malaya, maningning, maayos ang lahat. Doon madaling makalimutan ang kahihiyan. Ang hinahanap ng mga napahiyang alagad ngayon ay konting lugod pahinga, kasiyahan kaya lumayo sila sa Herusalem at patungong Emmaus.

 

Biglang sinamahan ni Hesus na muling nabuhay ang dalawang alagad pero hindi nila siya nakilala. Bakit kaya? Marahil dahil binura na nila si Hesus sa isip nila; napahiya sila e. Hindi nila nakilala kasi siguro ayaw na din nila maalala si Hesus at ang kahihiyang naganap sa kanyang kamatayan at ang paglaho ng pangarap ng mga tagasunod niya.

 

Sa daan, ipinaliwanag ni Hesus: “Hindi ba dapat mangyari iyon? Hindi ba dapat muna dumaan sa paghihirap bago marating ang luwalhati?” Inilalarawan ni Hesus ang kaugnayan ng paghihirap at ng luwalhati. Ibig niyang sabihin, hindi ninyo malalasap ang sarap at ginhawa ng Pagkabuhay kung di tayo dadaan sa hirap at kahihiyan ng Biyernes Santo.

 

Ano ba ang nagagawa ng kahihiyan? Kung maayos natin itong tatanggapin, ang kahihiyan ang nagdadala sa atin ng maraming aral, ng karunungan (moral intelligence). Natututo tayo sa mga kahihiyan ng buhay natin.

 

Nakakatuwa ang mga testimony ng mga taong dumaan sa dating kahihiyan at dahil dito nagpasyang baguhin ang landas ng kanilang buhay. “Dati, namumulot lang kami ng basura. Dati nakikinood lang kami ng tv sa kapitbahay sa bintana. Dati nagpapakatulong lang kami. Pero dahil doon, na-challenge kaming magsikap, magtapos ng pag-aaral, magsipag. At eto na kami ngayon – milyonarya na! propesyunal na! businessman na!”

 

Pero hindi lang paglaban sa tadhana ang naidudulot ng kahihiyan. Meron pa: pag napahiya tayo, diyan tayo lumalalim. Sige, tanungin ninyo ang sarili ninyo: anong pagkapahiya ang nagpalalim ng inyong pang-unawa, prinsipyo, paninidigan?

 

May mga pagkapahiya na hindi natin ikinukuwento: iyong panahong na-basted ka ng crush mo; iyong na-bully ka sa paaralan dahil sa itsura mo; iyong tinutukso ka dahil sa trabaho ng tatay mo… mga matinding paghihirap ng loob iyan. Pero para sa ibang tao, ito ding mga kahihiyang ito ang humubog ng ugali nila, tulad ng naganap sa mga santo. Dahil naghirap sila sa kamay ng kanilang kapwa, mas natutuo silang maging maunawain, maawain, mababang-loob, mapagbigay. Tulad ni Hesus, ang kahihiyan ay naging daan hindi sa kapaitan kundi sa lalong pagmamahal.

 

Nakita natin ang naganap na pananampal ng Hollwood actor na si Will Smith sa comedian na si Chris Rock dahil sa hindi niya nagustuhang biro sa 2022 Oscars. Noong una, ang yabang ni Smith na lumakad pabalik sa upuan niya. Pero nang lumaon sa kanyang speech umiiyak siyang nag-apologize. Inulit niya ang apology sa social media. At kusa siyang nag-resign sa Academy. Isang kayabangan na nauwi sa kahihiyan. Palagay ko, malalampasan niya ito kung matututo siya ng aral sa kanyang karanasan.

 

Sabi ni San Ignacio de Loyola: we learn humility through humiliation.

 

Si Bobby ay batang-batang sumubok ng droga. Nagsimula sa marijuana noong high school, nauwi ito sa shabu sa college. Natuto siyang magnakawa, magbenta ng gamit ng pamilya, at magpabalik-balik sa rehab. Matagumpay niyan naitago noong una ang kanyang pagkalulong sa droga pero natuklasan din ito ng pamilya niya. Hindi siya iniwan ng pamilya, lalo na ng kanyang ina. At minsan doon siya napahiya, sa sobrang pagmamahal ng ina niya na gagawin ang lahat para lamang siya magbago.

 

Muling nagpa-rehab si Bobby. Naging head siya ng rehab. At natagpuan niya ang isang grupo sa simbahan na umakay sa kanya sa lalong pagbabago. Dumating ang panahon na inilaan niya ang sarili sa pagtulong sa mga ibang drug addicts. Lumalim nang lumalim ang kanyang karanasan at karunungan hanggang sa isang araw, naisipan niyang ialaya ang buong buhay sa Diyos. Si Bobby ay isa nang pari ngayon.

 

Mabuti kung ang kahihiyan ay humahantong sa pagbabago, pagpapatatag, pagpapanariwa. Higit na mabuti kung ang kahihiyan ay nagdadala sa atin na maging maawain at mahabagin sa kapwa natin. Huwag nating hayaan na ang kahihiyan ay manatiling kapaitan ng ating puso.

 

Ano ang karanasan mo ng kahihiyan sa buhay mo? Sino ang mga tao o ano ang ala-ala mo ng iyong kahihiyan? Sandali nating ipanalangin sa Panginoon na mauwi sana ito sa higit na maganda, positibo at tama. Dahil tayo ay napahiya, maging mapagpakumbaba, maruga, mapagmahal na mga tao sana tayo.

 

 

3. SAKRIPISYO PARA SA HIGIT NA MAHALAGA

 

At ang huling pagsubok ng Getsemane: Kaya mo bang ialay, isakripisyo ang sarili mo ngayon – career, pleasure (kasiyahan), comfort(kaginhawahan) at iba pa – para sa isang mas magtatagal, sa mas higit na mabuti?

 

Si Hesus – wow, 33 taong gulang lamang noon; bata pa… sikat na sikat… hinahabol ng mga tagahanga… Hindi madali ang mamatay kung ganito ang katayuan mo. At kahit ano pa man, matanda man o bata, sikat o hindi, e mahirap mamatay; ayaw natin nun di ba? Sino ba ang gustong mamatay ngayon na?

 

Subalit heto ay hinihiling sa kanya ng Ama na ibigay ang buhay para sa isang bagay na hindi tiyak kung ano ang kapalit. Hindi naman niya nakikita kung ano ang resulta ng papasukin niyang pagdurusa. Subalit tinanggap niya ang kalooban ng Ama, ang kanyang kamatayan, dahil sa pag-asa. At iyan ang kabaligtaran ng kasiphayuan. Hope ang taglay ni Hesus sa puso niya; panlaban sa despair.

 

Marami sa kasalanan natin ay bunga ng kawalang-pag-asa o despair, ng hopelessness; nagkakasala tayo hindi dahil likas tayong masama kundi dahil nauubusan tayo ng pag-asa. Sabi natin: “E hindi naman ako mapo-promote, bakit pa ako magsisipag? Wala namang nagbabago sa buhay ko, bakit pa ako magsisikap? Tila di ko naman maaabot ang kabanalan, ang ideal ng buhay ko, ano pa ang saysay ng pagpapakabuti?”

 

Sa Agony in the Garden, tandaan natin ang hamon na hinarap ng Panginoong Hesus natin – ang hamon na maging matapat, maging faithfulkahit hindi mo nakikita ang resulta ngayon; kahit hindi mo alam ang magiging bunga nito; kahit iba ang nararamdaman mo sa naiisip mong dapat gawin.

 

Maging faithful, sabi ng Panginoon, dahil balang araw, sa tamang panahon, iyang mabuting ginagawa mo ay may pakinabang… kung hindi sa iyo tiyak para sa kapwa mo, sa paligid, mo, sa mundo, sa pamilya, estudyante, o kaibigan mo. Kaya mo bang patuloy na mag-sakripisyo bilang asawa, magulang, anak, kaibigan, kapatid, bilang teacher, empleyado, manggagawa?

 

Dito sa Agony, ang nakikita natin ay si Hesus, sa kanyang pagiging totoo at malalim. Siya ang modelo natin. Siya ang takbuhan natin kapag hindi na madali ang buhay; kapag mahirap nang maging tapat. Kasi, naranasan niya lahat, pati ang kadiliman… at nanatili siyang tapat…

 

Sa Lord’s Prayer, sinasabi natin: huwag mo kaming ipahintulot sa tukso. Ano ba itong tukso na ito? Ito ang tukso na talikuran ang sakripisyo na hinihingi sa atin, hindi para sa sarili, kundi para sa mga minamahal natin.

 

Isang tatay ang biglang nagbago ng kanyang masamang gawi, hindi dahil gusto niya, kundi dahil minsan, kinausap siya ng kanyang anak at nakiusap na magbago na siya.

 

Pagnilayan natin sandali: Anong mga sakripisyo ba ang ginagawa natin sa buhay natin ngayon? Para kanino mo iniaalay ang sakripisyo mo?

 

(kung maaari po ay paki-share sa inyong mga kaibigan para magamit sa isang prayerful Holy Week ngayong taon. God bless po!) 

 

#ourparishpriest 2022