FATIMA AT RUSSIA: ANO ANG KAUGNAYAN?
Sa gitna ng digmaan ng Ukraine at Russia, na dulot ng biglang pananakop ng Russia sa katabing bansa nito na Ukraine nitong 2022, gaganapin ni Pope Francis ang “consecration” ng Russia sa Kalinis-linisang Puso ni Maria (Immaculate Heart of Mary) sa Marso 25, 2022, Kapistahan ng Annunciation. Ito ay isang kahilingan ng mga obispo ng Ukraine kay Pope Francis at isa ding pagsunod sa tradisyon ng pagtatalaga (consecration) ng mga bansa sa Panginoong Hesus o sa Mahal na Birheng Maria.
Unang naging paksa ang consecration ng Russia sa Immaculate Heart noong panahon ng mga pagpapakita (apparitions) ng Mahal na Birheng Maria sa Fatima noong 1917. Nabanggit ng Mahal na Birhen na nais niyang maitalaga sa kanya ang bansang ito upang maiwasan ang magaganap na pagkakalat nito ng kamalian at karahasan sa mundo (Hulyo 13, 1917).
Nagulat ang tatlong bata ng Fatima na ngayon ay kilala bilang ang magkapatid na sina Santa Jacinta Marto at San Franciso Marto at ang pinsan nilang si Lucia dos Santos (na naging monghang Carmelite at nakilala bilang si Sister Lucia). Hindi nila alam kung ano ang kahulugan ng salitang Russia at ang akala ni San Francisco Marto, ang tinutukoy ng Mahal na Birhen ay isang babae na Russia ang pangalan.
Inulit ng Mahal na Birhen ang kahilingang ito nang si Sister Lucia ay madre na (patay na noon ang dalawang pinsan niya). Ayon sa kanya, ang nais ng Mahal na Birhen ay ang Santo Papa ang siyang manguna sa consecration.
Bakit kailangang ma-consecrate ang Russia? Ito ay upang magkaroong ang bansang ito ng pagbabalik-loob sa Diyos o conversion at upang maghari ang kapayapaan. Noong panahong iyon ay nagsisimula na ang pag-angat ng Communist party sa bansa at ang marahas na pamumuno ni Joseph Stalin. Ang bansang ito din ay sangkot sa nagaganap noon na Cold War at arms race o ang pag-uunahan ng mga bansa na makapag-ipon ng mga sandatang pandigmaan, na hanggang ngayon ay mapapansing nagpapatuloy sa mga kilos ng Russia laban sa ibang bansa sa mundo (tulad ng sa Ukraine) sa pamumuno naman ni Vladimir Putin. At pinakahuli, ang paglaganap ng ateismo o pagtangging maniwala sa Diyos, na isang mahalagang sangkap ng Komunismo. Dumating ang punto sa buhay ng Russia na pinagbawalan o hinigpitan ang mga tao na isabuhay ang kanilang pananampalatayang Kristiyano at naganap ang pag-uusig sa simbahan at pagyurak sa karapatang pangtao.
Tutol naman ang mga obispo ng Orthodox Church sa consecration ng Russia. Anila, ang Russia ay isang Kristiyanong bansa na malapit na sa puso ni Maria. At ang iba sa kanila ay takot na baka ang kahulugan ng conversionna sinasabi ay ang pag-asa ng ilang mga Katoliko na mag-convert ang mga Russian Orthodox sa pagiging Katoliko. Ang Russian Orthodoxy ang pinakamalaking sangay ng Kristiyanismo sa Russia. Ayaw na ayaw ng mga ito na tanggapin o mapasailalim sa pamumuno ng Santo Papa sa Roma.
Ayon sa talaang Katoliko, ilang beses na ding naganap ang consecrationng Russia sa Mahal na Birhen. Naganap ito sa ginawang consecration ng buong mundo (at natural, kasama dito ang Russia) na pinangunahan ni Pope Pius XII noong 1942, at ni St. John Paul II noong 1982, 1984 at 2000 (https://www.catholicnewsagency.com/news/250675/pope-francis-consecration-russia-ukraine-meaning). Ginawa din ito ni Pope Francis noong 2013. Sinasabing sumang-ayon si Sister Lucia sa ginawang consecration noong 1984 at ipinahayag niyang ito ay kaaya-aya sa Diyos at sa Mahal na Ina. Ayon naman sa ibang source, naganap ang mga consecration sa taong 1942, 1952, 1964 at 1984 (https://aleteia.org/2022/03/16/4-times-russia-has-been-consecrated-to-the-immaculate-heart-of-mary/).
Bakit kailangang kay Maria italaga o ialay ang Russia? Bahagi nito ang paniniwala sa napakahalagang gampanin ni Maria sa misteryo ni Kristo at ng simbahan, ang kanyang halimbawa ng pananampalataya para sa lahat ng tao, ang tiwala ng mananampalataya sa kanyang panalangin at pamamagitan, at ang makapangyarihan niyang pamamatnubay sa mga kapatid ni Kristo. Iniwan ni Hesus ang kanyang mga alagad sa kamay ni Maria bago siya pumanaw sa krus. Ang Birheng Fatima ay sagisag ng kapayapaang handog ng Panginoong Hesus sa tulong ng kanyang Ina.
Isama natin sa gaganaping consecration ang sarili nating panalangin sa Mahal na Birhen para sa kapayapaan ng mundo at ng bawat puso.