IKALIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
HUWAG KANG SUSUKO HA?
LK 5: 1-11
May nakilala akong tao na nag-aaply sa kanyang dream job pero na-reject hindi isa, dalawa o tatlong beses, kundi higit pa doon! Akala ng iba ay guguho ang mundo niya at susuko na siya na mangarap. Subalit sa bawat pagtanggi sa kanya, lagi niyang sinasabing okey lang siya at sumusubok siyang muli. Minsan nakatagpo niya ang isang butihing boss na nagbigay sa kanya ng pagkakataon. Ngayon siya ang pinakamagaling sa kanyang trabaho at inspirasyon pa ng maraming tao.
Ngayong nasa gitna tayo ng nakasusubok na pandemyang ito, tila ang daling masiraan ng loob at mawalan ng pag-asa. Ang pandemya ang nanggulo sa ating mga trabaho, negosyo, pag-aaral, kalusugan, at mga plano. Dagdag pa dito ang nariyan nang problema sa bahay, relasyon o pamilya. Talaga namang kaydaling mabuyo na tumigil na lang, magmukmok na lang, itaas ang kamay at sabihing “uuwi na ako; ayoko na.”
Pero alam ba ninyo? Nilikha tayo ng Panginoon para sa tagumpay at hindi sa talunan. Kapag malubak ang daan, siya ang unang nanghihikayat sa ating magpatuloy; siya ang ating gumaganyak sa ating lumaban. Tingnan na lamang si Pedro, pauwi nang malungkot at walang dala sa pangingisda. Pero may mungkahi si Hesus sa kanya. Subukan mo pa; isang hagis pa ng lambat; manalig kang malawak ang dagat at marami itong yaman na naghihintay pa lamang maani.
Itong si Pedro ay magaling na mangingisda at ginawa na niya ang lahat. Nag-atubili siyang sumunod sa utos ng isang ngayon lang niya nakita. Ano ba ang alam ng isang mangangaral, ng isang karpintero tungkol sa pangingisda? Subalit nang sa wakas sinunod niya si Hesus, nasindak siya sa pinakamalaking surpresa ng kanyang buhay, sa pinakamalaking himalang naganap sa kanya sa panahong iyon.
Sa unang pagbasa, akala ni Isaias sobrang makasalanan na siya na hindi karapat-dapat maging propeta. Si Pablo naman ang tingin sa sarili ay pinakamaliit na alagad at isang abnormal pa nga, na hindi niya dapat makaharap ang Panginoon. Subalit binasbasan si Isaias upang makapagpahayag. Nagpakita naman si Hesus kay Pablo. At ngayon si Pedrong mangingisda ay magiging mangingisda ng mga tao dahil sinusugo siya ng Panginoong Hesukristo.
May panahon bang tila gulong-gulo ka na at natutukso ka nang sumuko? Huwag makinig sa problema; makinig sa panghihikayat ng Panginoon. Huwag magtuon ng pansin sa pait; masdan ang mga pagpapala. Huwag umurong; muling lakbayin ang landas tungo sa iyong mabuting pangarap. Si Hesus ang Diyos na nanghihikayat at nanggaganyak sa atin. Siya ang Diyos na nagpapalakas at nagbibigay kapangyarihan na marating ang ating inaasam na mabuting buhay.