Home » Blog » SAINTS OF DECEMBER: SAN ESTEBAN

SAINTS OF DECEMBER: SAN ESTEBAN

DISYEMBRE 26
SAN ESTEBAN (ST. STEPHEN), ANG UNANG MARTIR
 

 

A. KUWENTO NG BUHAY
Tila napaka-special ni San Esteban na ang kapistahan niya ay kasunod agad ng Pasko. Kagugunita pa lamang sa pagsilang ng Panginoon sa ating mundo, inaalala naman natin ngayon ang pagsilang ni San Esteban, hindi sa lupa kundi sa langit, sa buhay na walang hanggan.  Si San Esteban ang unang martir para sa pananampalataya kay Hesus na Anak ng Diyos, ang unang nag-alay ng buhay dahil sa kanyang katapatan. 
Kapag ipinadiriwang ang kapistahan ng mga martir, kalimitan ito ay nakatapat sa araw ng kamatayan niya dahil ito ang araw ng kanyang pagiging saksi sa Panginoon, ang araw ng kanyang pagpasok sa kaluwalhatian ng langit. Gayundin halos sa ibang mga santo, pero lalo na sa mga martir.
Sinabi ni San Agustin na mapalad talaga si San Esteban dhail ang kuwento ng kanyang buhay ay nasasaad sa Biblia.  At kung nais nating matunghayan ng kuwentong ito, basahin nang buo sa Aklat ng Gawa ng mga Apostol, kabanata 6-7.
Nang mangailangan ang mga apostol ng katuwang sa paglilingkod, upang hindi sila malihis sa kanilang pinakatampok na misyon na magdasal at mangaral, pumili sila ng unang  7 diyakono (deacons). Ang mga diyakonong ito ang siyang magiging abala naman sa pag-aasikaso sa pangangailangan ng mga mahihirap na kasapi ng ng unang simbahan.  Una sa nabanggit na pinili si San Esteban, na puno ng pananampalataya at ng Espiritu Santo.  Sa pagtutulungan ng mga apostol at ng mga diyakono, lalong lumaganap ang bagong relihyon.
Ang salitang diyakono ay nangangahulugan na lingkod (servant). Sa panahon natin ngayon, marami pa ring diyakono sa simbahan. Lahat ng nagiging pari ay dumadaan sa pagiging diyakono bilang pangunahing orden na kanilang tinatanggap. Ito ay upang ipakita na ang pari at obispo ay laging lingkod ng sambayanan kahit na ano pa ang taas ng kanilang antas sa larangan ng pamumuno sa simbahan.  Ang mga diyakono ay kapansin-pansin sa liturhiya na syang nagpapahayag ng Ebanghelyo sa Misa at nagpapaliwanag nito, nagbibinyag at nagkakasal, subalit hindi pa sila maaaring magmisa o magpakumpisal. 
Subalit may mga diyakono din na permanente (permanent deacons). Ibig sabihin, sila ay na-ordenahan bilang diyakono kahit na wala silang pagnanasa na maging pari balang araw.  Karamihan sa mga permanentdeacons ay may asawa at pamilya. Habang tumutulong sila sa simbahan, maaari din silang mag-trabaho ng karaniwang gawain nila sa araw-araw.
Ang diyakonong si San Esteban ay naging matagumpay sa kanyang pangangaral at madali niyang natatalo ang mga taong nais makipagdebate sa kanya.  Sa kanilang galit, sinikap ng mga kaaway ni San Esteban na siya ay pagbintangan ng kasinungalingan at dahil dito si San Esteban ay dinakip at nilitis hanggang sa  huli ay hinatulang mamatay sa pamamagitan ng paghahagis ng mga bato sa kanya.
Nakita niya sa kaluwalhatian ang Panginoong Hesus bago siya mamatay. At habang binabato siya ng mga kaaway, ipinagdasal niya ang mga ito at pinatawad sila. Si San Pablo, na noon ay kilala pa sa pangalang Saulo, ay kasama ng mga taong tumuligsa at pumatay kay San Esteban.
Ang kabayanihan ni San Esteban ay kitang-kita sa kanyang pagmamahal sa Panginoon at kagulat-gulat man, pati sa kanyang pagmamahal sa kanyang mga kaaway.
Sinabi ni San Agustin na malaki ang pagkakahawig ng paglilitis at kamatayan ni San Esteban sa mismong karanasan ng ating Panginoong Hesukristo.  Talagang karapat-dapat na siya ay magbigay ng kanyang sariling pagsaksi sa kanyang pananampalataya.
B. HAMON SA BUHAY
Kapapasok pa lamang natin sa panahon ng Kapaskuhan.  Magandang paalala sa atin na ang Pasko ay tawag hindi lamang sa pagsasaya kundi sa pagiging saksi kay Kristo sa mundong ito. Ano bang uri ng paglilingkod sa Diyos ang nararamdaman mong tinatawag ka ng Panginoon sa iyong buhay ngayon?
Ngayong Pasko, si San Esteban nawa ang magbigay lakas sa atin na hangaring maging saksi para kay Kristong isinilang sa Belen.
K. KATAGA NG BUHAY
Mga Gawa 7:59-60
Nanalangin si Esteban habang binabato nila siya: “Panginoong Hesus, tanggapin mo ang aking espiritu.” Pagkatapos ay lumuhod siya at sumigaw: “Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito.” At namatay siya pagkasabi nito.
 
 (from: Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)